DILASAG, Aurora – Pinangunahan ni Gov.Reynante Tolentino, kasama ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at mga iba pang opisyal sa pamamahagi ng ‘social pension’ sa 485 beneficiaries sa bayan ng Dilasag, na ginanap sa LGU Sports Complex at sa Barangay Esperanza Covered Court, noong Hunyo 24.
Ang 485 beneficiaries ay kinabibilangan ng 363 senior citizens at 45 persons with disabilities (PWD), 28 solo parents, na tumanggap ng kanilang social pension para sa unang kalahating taon ng 2024.
Tinanggap naman ng 23 Day Care Workers ang kanilang honorarium, samantalang sa mga senior citizens na may edad 85 hanggang 99 ay binigyan ng ‘age bonus benefit’ na bagong programa ng PSWDO mula sa tulong at suporta ni Gov. Tolentino.
Bukod dito ay nagbigay din ang gobernador mula sa kanyang sariling bulsa ng tig-₱10,000.00 sa samahan ng nasabing apat na sektor bilang dagdag tulong para sa kanilang mga pangangailangan.
Sinabi ni Ryan “Yam” Tolentino, Chief Nurse ng Aurora Memorial Hospital (AMH) at Executive Assistant ng Office of the Provincial Governor na kasamang dumalo sa nasabing aktibidad, isa raw sa mga una sa mga programa ng gobernador ang mga senior citizens.
Ang ama ng lalawigan, bilang bahagi ng senior citizens group ay nauunawaan ang pakiramdaman at mga pangangailangan sa ganoong edad kung kaya lahat ng mga maaring ibigay na ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan ay ihahatid sa kanila ng gobernador.
Hinikayat din ni Yam Tolentino ang mga matatanda na gamitin at pakinabangan ang libreng laboratory tests sa AMH na bahagi ng medical assistance program ng lalawigan para sa kanila.
Ayon kay Gov. Tolentino, tuluy-tuloy ang tulong na ibibigay ng pamahalaang panlalawigan sa mga mamamayan lalo na sa mga wala o limitado ang pinagkukuhanan ng kabuhayan tulad ng mga senior citizens, PWD, at mga solo parents.
Patuloy din magtatrabaho ang pamunuan upang mas palawigin pa ang sakop ng ganitong mga programa at madagdagan pa ang kanilang natatanggap.
Pinuri din niya ang kasipagan ng PSWDO at siniguro ang kaniyang buong suporta sa mga program nito.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Konsehal Leah Gorospe, bilang kinatawan ni Mayor Joe P. Gorospe, sa gobernador at kay Yam sa paglalaan ng panahon upang personal na ihatid ang ayuda sa kanilang bayan.
Malaking bagay daw na hindi na kailangan pang bumiyahe ng mga benepisyaryo papuntang sentro-Aurora para kunin ang kanilang social pension.
Pinasalamatan naman ni Paulino ang MSWDO ng Dilasag sa pamumuno ni Jessamin T. Llave, na nakatuwang nila sa nasabing aktibidad lalo na sa pagsisigurong mga karapat-dapat na benepisyaryo ang tatanggap.
Malugod namang tinanggap ng mga benepisyaryo gaya ni Lolo Eduardo Subang, isa sa mga senior citizens at Nanay Julieta Seradoy, isa naman sa mga solo parents ang tulong na inihatid sa kanila at magagamit nila ito nang buo para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. (By PG Aurora Official Page)